Added by Miguel Libre on November 17, 2009 at 9:30pm
Kakaibang bansa talaga ang Tsina, at makikita natin ito sa kanilang kultura, disiplina, ugali, at pagkikilos. Naging sarado ang pintuan ng Tsina noong unang panahon sa buong mundo, at dahil dito, nahuli sila sa mga ideya at kultura ng Kanluran. Makikita natin na kailan lamang sila nagtagyo ng sistemang kapitalismo sa bansa at kailan lang sila tumanggap ng mga dayuhan at turista. Kahit sila ay nahuli sa mga aspeto ng teknolohiya, makikita natin ngayon na ang kanilang bilis sa pag-unlad ay hindi mapantayan ng anumang bansa, at pati na ang Estados Unidos ay kinakatakutan na ang kakayahan ng Tsinang umunlad. Para sa natatanging bansa tulad ng Tsina, siguradong ibang klase rin ang kanilang pamumuhay.
Mahigit isang linggo na ako rito sa Beijing at patuloy pa rin ang aking pagmulat ng aking mga mata sa kakaibang katangian ng mga Tsino at eto ang iilan sa marami kong obserbasyon sa pang-araw-araw na buhay ng mga Tsino: una, hindi sila masyadong gumagamit ng mga magagalang na ekspresyon tulad ng “excuse me” tuwing naglalakad sila, ngunit babanggain ka nila kapag ika’y nakaharang. Sa Pilipinas nasanayan tayong gumamit ng mga ganoong ekspresyon tuwing nakikiraan. Nasanay na tayo na kapag nakakita tayo ng mga Tsinong nambabangga, isip natin na bastos sila, ngunit kung tutuusin, sa ating pananaw lang ito nakababastos, ngunit para sa mga Tsino, normal lamang ito.
Ikalawa, maraming mga “sign post” sa Tsina ay may barok na Ingles, at mahihinuha ko rito na hindi binibigyan ng importansya ng mga Tsino ang wikang Kanluran kahit ito pa man din ay ang pangunahing wika ng mundo. Para sa akin, ang mga Tsino ay may mataas na pagtingin sa kanilang wika at kultura, hindi sila masyadong tumatangkilik ng mga aspeto ng Kanluran. Dapat maging mapagmalaki rin ang mga Pilipino sa kanilang wika at kultura. Ang kolonyal na pag-iisip ay isang halimbawa sa mga Pilipino: mas mataas ang pagtingin natin sa anumang bagay o ideya na nagmula sa Kanluran, ngunit ang mga mula sa bansa natin ay hindi binibigyang importansya. Ikatlo, napansin ko na wala ring mga tila-MMDA sa daan sa Beijing. Ang mga tao rito ay mapag-isa at responsible sa kanilang mga gawain, hindi na sila kailangang pagsabihan kung ano ang bawal. Sa Pilipinas, puro babala ngunit ito naman ay hindi nasusunod.
Kung ang mga Pilipino ay maging mapagmalaki, mapag-isa at masunurin tulad ng mga Tsino, tiyak na uunlad tayo dahil kapag naisabuhay natin ang mga ito, gagawin ng mga Pilipino ang makakaya nila upang gawing mas magandang bansa ang Pilipinas.


